Viewers

Friday, November 21, 2014

Nasubukan Mo Na Bang Magmahal?

Isang aspeto ng pagiging isang tao ay ang kapasidad nitong magmahal. Ito ay biyaya ng Diyos sa bawat isa upang ipadama na tayo ay galing sa Kanya na Siyang bukal ng tunay at wagas na pagmamahal. Subalit minsan, bilang tao, mahirap maunawaan ang pagmamahal sapagkat iba-iba ang kahulugan nito batay sa sitwasyon at batay sa taong pumapaloob dito.

            Minsan naisip ko diba positibo ang pagmamahal? Ngunit bakit kadalasan ang pagmamahal ay ikinakabit sa salitang sakit, paghihirap, at sakripisyo? Bakit pagnagmamahal kaylangan may masaktan? Bakit kapag nagmamahal kaylangan nahihirapan? Bakit kapag nagmamahal kaylangan may sinasakripisyo? Mahirap maintindihan pero ito ang natural na proseso ng buhay. Magiging matagumpay at matatag kapag dumaan sa pagsubok ang isang sitwasyon. Dito tayo sinusubakan ng Diyos na gawing dalisay ang ating nararamdaman. Ito ang patunay na ang isang bagay ay kaylangang paghirapan upang mas makita ang halaga na maghahatid sa positibong buhay.

            Wala naman talagang “forever.” Lahat ay may katapusan at ito ang reyalidad ng buhay. Kasama sa maaaring matapos ay ang pagmamahal. Ngunit kung ito ay ating pagiisipang mabuti, hindi ba’t mas magandang makita ang positibong aspeto sa salitang “ walang forever?” Hindi ba mas maganda na makita natin na may “Once upon a time” kaysa makita natin ang sakit ng reyalidad ng may katapusan ang lahat? Na may simula na nagbibigay sa atin ng pag-asang kahit papaano natuto tayong magmahal sa paraang alam natin. Hindi naman talaga importante na matatapos ang lahat. Ang importante anong pagmamahal ang ginawa mo hanggang ikaw ay nabubuhay. Sabi nga ng isang kasabihan “love is not a destination, it’s a journey.”

            Tao ang magsasabi kung ang pagmamahal na kanyang pinagdadaanan ay nakakatulong sa kanya o nakakasama sa kanya. Tao ang magpapasya kung ang nararamdaman ba niya ay sumaya siya sa sandaling panahon, o pagdudusahan nya ang mga sandaling sana ay naging masaya siya. Pero kung susuriin nating mabuti, may mga aspeto naman talaga na kaylangang ikonsidera kung ikaw ay nagmamahal. Mga aspetong magdidikta kung ang nararamdaman mo ay tama o kaylangan mo ng itigil. Nandiyan ang katayuan sa buhay, edad, prinsipyo, relihiyon, at sitwasyon.


            Nawa ay makita natin ang halaga ng pagmamahal sa kapwa na unang ipinadama sa atin ng Diyos. Pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Pagmamahal na tama, dalisay, at positibo. Kaya bilang tao, nararapat na ang pagmamahal na ito ay maibahagi natin sa isa’t isa. Ang pagmamahal na nagdidikta sa atin kung sino tayo at kung ano ang mga bagay at aspeto ng buhay na kaylangan nating pahalagahan. Sa huli, tatlong bagay lang ang mananatili, pananampalataya, pagasa, at pagmamahal. Pero ang pinakadakila at pinakahigit sa lahat ay ang pagmamahal. Ikaw... Nasubukan mo na bang magmahal?








No comments:

Post a Comment