Minsan sumagi sa isip ko, bakit kaya ganito ang itsura ng katawan natin? Bakit nasa taas ang ulo? Bakit dapat dalawa ang kamay? Bakit ang pusod nasa gitna ng katawan? Bakit dalawa ang paa? Bakit isa lang ang puso? Bakit may large intestine na, may small intestine pa? Bakit walang medium intestine? Bakit ang bangs part ng buhok pero may sariling tawag? Bakit maraming madaldal eh ang liit naman ng dila? Bakit ang pwet wala namang pangil pero mas matalim pa sa ngipin kung pumutol? Napakaraming dapat itanong, at napakarami ding dapat isagot. Pero ang isang mahalagang tanong na gusto kong ibahagi ay: BAKIT SA DINAMI-RAMING BAHAGI NG KATAWAN, BAKIT MATA ANG MALAPIT SA UTAK?
Inisip ko na pwede namang nilagay ang mata sa kamay. Dual purpose pa nga, nakita mo na nakuha mo pa. Mas magiging madali rin ang buhay, pag may hahanapin ka hindi ka na yuyuko, just stretch your arms and dyyaarraaannn... makikita mo na. Pero naisip ko naman pag nasa kamay ang mata hindi tayo matututong pumalakpak. Parang napakasakit naman yata kung pagtatamain mo yung dalawang mata mo sa palad mo upang makagawa ka ng isang tunog na siyang magsisilbing tunog ng palakpak. Iba magiging meaning nang palakpak pag iyon ang nangyari. Imbis na kaya ka pumapalakpak ay dahil natatawa ka, pag ang mata ay nasa kamay pag pumalakpak ka maiiyak ka.
Pwede rin namang inilagay ang mata sa kabuuan ng tyan natin. Simula sa dibdib hanggang sa puson. Oh diba ang laki ng mata, ang laki ng kita. Makikita mo lahat sa laki ng mata mo. Kaso ang problema, paano kung nagka-muta ka? Edi para kang namimitas ng langka dyan sa mata mo? Hindi mo pwedeng itago na may muta ka. Mas problema yan kapag nagka-sore eyes ka. Pano ka magpapatak ng eye mo? Edi ang size ng eye mo galon galon? At hindi ka magpapatak ng eye mo, sa laki ng mata mo pag nagka-sore eyes ka literal na maliligo ka ng eye mo. Bawal din umiyak kapag ganun ang mata mo. Kasi ang requirement kapag naiyak ka kaylangan naka diaper ka para hindi magleleak sa shorts o pants mo ang luha mo.
Kung sa paa kaya inilagay ang mata, ok din kaya? Siguro sa isang banda, kasi mas kita mo ang dinadaanan mo. Mas magiging maliwanag sayo ang landas ng buhay at madali mong masisilayan at maiiwasan ang siga ng kalsada...Ang tae... (dahil ang lahat ng nakakakita sa kanya umiiwas). Kaso ang problema, kapag natapakan mo ang tae hindi na natin masasabi ang katagang "ui, may puwing ka sa mata" bagkus ang sasabihin natin "ui, may tae ka sa mata." Sigurado rin ako na hindi mauuso ang takbo. Lahat maglalakad.
Pero kung iisipin natin mabuti, may reason ang Diyos bakit Niya ginawang ganito ang katawan natin. Sa aking pagninilaynilay (naks), siguro, nilagay ng Diyos ang mata natin sa harap at malapit ng utak dahil lahat ng MAGAGANDA at MABUTING BIYAYA ay inilalagay at inihahanda Niya sa harapan natin. Ang kaylangan na lang nating gawin ay tingnan ang mga biyayang iyon, iproseso sa isipan at isabuhay. Kaso ang nagiging problema sa atin, imbis na tingnan natin, gawin natin, at isabuhay natin ang mga biyayang iyon, mas pinipili pa nating tumalikod. Pag tumalikod tayo sa magaganda at mabuting biyaya na bigay Niya sa atin, siguradong ang haharapin natin ay isang buhay na puno ng pagdurusa, kasinungalingan, at kadiliman.
Kaya sana matuto tayong gamitin ang mga mata sa pagtingin sa biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos sa araw araw. Iproseso sa isip ang mga biyayang ating nakita at gamitin sa tamang paraan upang maging makabuluhan ang katawan, buhay, at pagkataong ibinigay sa atin ng Diyos...
Ikaw, paano mo pinapahalagahan at ginagamit ang iyong katawan?
No comments:
Post a Comment