Isang aspeto ng pagiging isang
tao ay ang kapasidad nitong magmahal. Ito ay biyaya ng Diyos sa bawat isa upang
ipadama na tayo ay galing sa Kanya na Siyang bukal ng tunay at wagas na
pagmamahal. Subalit minsan, bilang tao, mahirap maunawaan ang pagmamahal
sapagkat iba-iba ang kahulugan nito batay sa sitwasyon at batay sa taong
pumapaloob dito.
Minsan
naisip ko diba positibo ang pagmamahal? Ngunit bakit kadalasan ang pagmamahal
ay ikinakabit sa salitang sakit, paghihirap, at sakripisyo? Bakit pagnagmamahal
kaylangan may masaktan? Bakit kapag nagmamahal kaylangan nahihirapan? Bakit kapag
nagmamahal kaylangan may sinasakripisyo? Mahirap maintindihan pero ito ang
natural na proseso ng buhay. Magiging matagumpay at matatag kapag dumaan sa
pagsubok ang isang sitwasyon. Dito tayo sinusubakan ng Diyos na gawing dalisay ang
ating nararamdaman. Ito ang patunay na ang isang bagay ay kaylangang paghirapan
upang mas makita ang halaga na maghahatid sa positibong buhay.
Wala
naman talagang “forever.” Lahat ay may katapusan at ito ang reyalidad ng buhay.
Kasama sa maaaring matapos ay ang pagmamahal. Ngunit kung ito ay ating
pagiisipang mabuti, hindi ba’t mas magandang makita ang positibong aspeto sa
salitang “ walang forever?” Hindi ba mas maganda na makita natin na may “Once upon a
time” kaysa makita natin ang sakit ng reyalidad ng may katapusan ang lahat? Na
may simula na nagbibigay sa atin ng pag-asang kahit papaano natuto tayong magmahal
sa paraang alam natin. Hindi naman talaga importante na matatapos ang lahat.
Ang importante anong pagmamahal ang ginawa mo hanggang ikaw ay nabubuhay. Sabi
nga ng isang kasabihan “love is not a destination, it’s a journey.”
Tao
ang magsasabi kung ang pagmamahal na kanyang pinagdadaanan ay nakakatulong sa
kanya o nakakasama sa kanya. Tao ang magpapasya kung ang nararamdaman ba niya
ay sumaya siya sa sandaling panahon, o pagdudusahan nya ang mga sandaling sana
ay naging masaya siya. Pero kung susuriin nating mabuti, may mga aspeto naman
talaga na kaylangang ikonsidera kung ikaw ay nagmamahal. Mga aspetong
magdidikta kung ang nararamdaman mo ay tama o kaylangan mo ng itigil. Nandiyan
ang katayuan sa buhay, edad, prinsipyo, relihiyon, at sitwasyon.
Nawa
ay makita natin ang halaga ng pagmamahal sa kapwa na unang ipinadama sa atin ng
Diyos. Pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Pagmamahal na tama, dalisay,
at positibo. Kaya bilang tao, nararapat na ang pagmamahal na ito ay maibahagi
natin sa isa’t isa. Ang pagmamahal na nagdidikta sa atin kung sino tayo at kung
ano ang mga bagay at aspeto ng buhay na kaylangan nating pahalagahan. Sa huli,
tatlong bagay lang ang mananatili, pananampalataya, pagasa, at pagmamahal. Pero
ang pinakadakila at pinakahigit sa lahat ay ang pagmamahal. Ikaw... Nasubukan mo na
bang magmahal?




